Minsan ka bang sumakay ng jeep or tricycle at naisip na bakit si tatay drayber ay pumapasada pa rin kahit sobrang tanda na nya? O napatanong na bakit hanggang ngayon mahirap pa rin sya?

Isang araw narinig ko ang isang babaeng nakapostura, mukha syang walang problema tungkol sa kakainin nya kinabukasan. Napabulalas lang sya sa kanyang kaibigan at akin itong narinig. Ang sabi nya, “tingnan mo si tatay, ang tanda na pero mahirap pa rin, hindi naman nya kasalanan ang ipanganak at maging mahirap pero nasa kanya yan na mahirap pa rin sya”. Mga salitang nanggaling sa taong nakaalis sa kahirapan, o di kaya ay pinanganak na may kaya sa buhay.
May punto na hindi kasalanan ipanganak at mabuhay na mahirap. Pero, hindi mo naman kasalanan na tumanda at mamatay kang mahirap. Dahil ang pag-ahon sa hirap ay kinakailangan ng pinagsama-samang pagsisikap, swerte at paglabas sa mundo at kaisipan ng kahirapan.
Ang ipanganak kang mahirap sa isang mahirap lugar ay parang isang pagkakahon sa iyong kaisipan. Kung ang nakikita mo ay hirap, ang kagustuhan mo ay ayon din sa mga nakikita at nararanasan mo. Sa isang lugar na puno ng kahirapan, ang unang gugustuhin mo ay ang makakain sa isang araw. Iisipin mo rin na sila Aling Nena na kapitbahay mo nga mahirap pero masaya ang buhay. Nakukuntento ka sa kung ano’ng standard ang pumapaligid sa’yo.
Hanggang hindi mo namamalayan na tumatanda ka sa parehong lugar at kaisipan. At isang araw lilisanin mo na lang ang mundong ibabaw na ang apo mo ay mahirap pa rin.
Cycle of poverty kung tawagin. I-imagine mo yung ferris wheel pero tuloy-tuloy lang ang ikot, na para makabababa ka, kailangan ng isang intervention. Ganito ko maihahalintulad cycle of poverty. Nandun ka lang at hindi madali makita ang iba pang kakayahan mo at mga kayang ibigay ng mundo sa iyo.
Kaya hindi mo pwedeng sisihin si tatay drayber or yung senior citizen na naglalako ng taho at sorbetes kung bakit tumanda na silang mahirap. Dahil siguradong masipag sila at ang mga choices nila sa buhay ay ang tingin nilang the best sa hinihingi sa kanila ng sitwasyon. Iyon na kasi ang namulatan nila at hindi madaling umalis sa ganoon na kalagayan.
Ang dami ngayong apektado nang pagtaas ng presyo ng gasolina. Baka pwedeng maging mas mabuti tayo sa mga taong nakakasalamuha natin.