Ano nga ba ang itsura ng pagmamahal?
Kapag ba binigyan ka ng tsokolate at bulaklak?
O di kaya ang ipakilala ka sa buong angkan nya?
Marahil siguro kung binibigyan ka nya ng oras at atensyon
Hindi ko din alam noon
Sabi nila dadating na lang ito nang kusa
Hindi mo daw dapat habulin, hanapin
Sabi nila madali lang daw
Hindi mo daw dapat maramdaman na lagi kang lumalaban
Sa unang pagkakataon ay may taong dumating Inakalang siya na
Sya ang nauna at inakalang siya na dapat ang huli
Lumaban kahit paulit ulit na sinasaksak
Kasi sabi nila pinaglalaban ang pagmamahal
Nakakapagod pero wala akong pagsisisi
Natagpuan ko ang isang bagong lente
Lente kung saan mas nakikita ko na kung dapat bang ipalaban o ipaubaya
Ang lenteng hindi pa perpekto pero bibigyan ka ng ibang perspektibo
Lente na hihinangin ng panahon at karanasan
Nakikita ko na nang mas malinaw
Pagmamahal na hindi mo susukuan
Pagmamahal na sigurado
Pagmamahal na hindi ka pinaghinihintay
Pagmamahal na nakakaunawa
Pagmamahal na tatanggapin ka
Pagmamahal na walang hinihinging kapalit
Pagmamahal na susugalan mo panghabangbuhay
Pagmamahal na yayakap sayo malamig man o mainit ang gabi
Pagmamahal na pipiliin ka araw-araw